Smoking ban sa Maynila, mahigpit na ipapatupad
Multang P5,000 at tatlong (3) araw na pagkakulong ang parusa sa sinumang mahuhuling lalabag sa ipinasang ordinansa sa lungsod ng Maynila.
Kasunod ito ng bagong utos ni Mayor Joseph ‘Erap’ Estrada na mahigpit na ipatupad ang ordinansa na nagbabawal sa paninigarilyo sa mga publikong lugar sa siyudad.
Ito ang sinabi ni Erap matapos na muling iutos niya ang mahigpit na pagpapatupad sa City Ordinance No. 7812 (“The Smore-Free Ordinance of the City Government of Manila) na inaprubahan noon pang Marso 2017.
Sa ordinansang iniakda ni Konsehal Casimiro “Cassy” Sison, majority floor leader ng Sangguniang Panlungsod, mahigpit na ipinagbabawal ang pagsisigarilyo sa mga palengke, restoran, mga sinehan, malls, pabrika, planta, mga sasakyang-publiko, mga paaralan, silid-aralan, ospital, klinika, at mga katulad na lugar sa lungsod.
Iniutos din ni Estrada sa mga pinuno ng mga departamento, opisina at ahensiya ng pamahalaang lungsod na mahigpit na sundin ang ordinansa laban sa paninigarilyo.
Nagbabala siya na papatawan niya ng parusa ang sinuman sa mga opisyal at kawani ng lokal na pamahalaan na mahuhuling naninigarilyo sa mga ipinagbabawal na lugar.
Batay sa ordinansa, multang P2,000 o kaya ay isang araw na kulong ang parusa sa mga unang paglabag.
Maaaring kapwa-ipataw ang multa at kulong sa lalabag, kung ito ang iuutos ng korte.
Sa ikalawang paglabag, P3,000, at dalawang araw na kulong ang parusa; at P5,000 o kaya ay tatlong araw na kulong o parehong parusa ay ipapataw sa ikatlong paglabag.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.