“Sino nga ba ang tunay na masa?” sa OFF CAM ni Arlyn Dela Cruz

Inquirer file photo

Kuwentong totoo.

Wala akong karapatang isulat ito. Hindi ko ito karanasan.

Ngunit nang dahil sa bumaha ng luha sa harapan ko ang isang kaibigan kamakailan lamang, hindi ko malimutan, hindi ko basta maisantabi na lamang. Akala ko alam ko na ang sagot sa mga bagay na tulad nito. Hindi pa pala.

Gumawa pa nga ako ng kahalintulad na eksena sa pelikula noong taong 2015 para sa pelikulang Tibak, isang tagpo sa isang tunay na pangyayari noong 1968.

Tunay na buhay at tunay na tagpo ang naganap sa taong kasalukuyan, kamakailan lamang, katatapos lang ng unang buwan ng taong 2018.

Paano mo haharapin ang pagtalikod ng isang anak sa kanyang magulang at pamilya na ang dahilan ay ang aniya ay higit na pagmamahal na para sa bayan at paglilingkod sa masa?

Bilang magulang, ano ang iyong gagawin? Magpaparaya ka? Pahihintulutan mo? Pakakawalan mo na tulad ng isang ibon upang malayang makalipad? Pipigilan mo? Hahadlangan? Magagalit sa pasya ng iyong anak?

Ang kaibigan ko, hindi niya pinigilan, hindi siya nagalit, nagparaya kung tutuusin, umunawa ngunit ipinakipaglaban ang kanyang pag-ibig at pag-ibig ng kanyang buong pamilya.

“Kung sinasabi mong iyan ay para sa masa at ako ay kabilang sa masa, bakit mo tatalikuran ang masa na kasama at mahal mo sa loob ng dalawampung taon?”

Marami pa silang naging palitan ng salita. Hindi lang puso ang nag-usap kundi ang kanilang mga isipan. Lohika kung hindi uumbra ang damdamin.

Sa huli napagtanto na ang pagsali sa kilusan para sa masa ng kanyang anak ay bunsod din ng pag-aaklas at rebelyon sa kung ano ang nangyayari sa loob ng tahanan. Ang pamilya ang unang sangkap ng lipunan hindi ba? Ang kaayusan o ang kaguluhan sa lipunan na ginagalawan ng masa ay maaaring kumatawan sa kung ano ang kalagayan sa loob ng tahanan o ng pamilya.

Pagkamulat, kamulatan– ito ang dahilan ng pasya ng anak. Kailangan siya ng masa.

Paano ito binasag ng kaibigan ko?

Gamit ang lohika, sinabi niyang siya ang sa katunayan ay kumakatawan sa rebelde sa kanilang tahanan. Siya ang nag-iingay at nag-aaklas dahil walang kaayusan. Hindi nahuhugasan ang pinggan, hindi nagwawalis ng kalat, hindi nabayaran ang bill na dapat bayaran. Siya ang boses ng nag-aaklas at hindi siya ang boses ng gobyerno aniya.

Napansin niyang tila ilang araw nang hindi naliligo ang anak. Hindi ba anak ikaw din ay masa? Oo, sagot nito. Dito sumundot uli ang aking kaibigan, paano mo mamahalin at kakalingain ang masa kung ikaw na masa din ay nakaligtaan at napabayaan na ang sarili? Eto anak maligo ka, mag deodorant ka.

May pera ka ba anak?–tanong niya sa anak. Ang sagot ay wala po. Isa pang pagkakataon para sa kanya. Ang sabi niya sa anak, paano niya tutulungan ang masa na salat sa pera kung maging siya ay salat sa pera? Sa kanila pa kayo makikikain? Tanong pa niya.

Habang lumuluha sa kanyang pagkukuwento ang aking kaibigan, may iba akong napagtanto. Ilan ang mga magulang na umiiyak ngayon tulad niya dahil sa pasya ng anak na mas ibigin ang bayan at ialay ang buhay sa piling ng masa.

Sa nakikita kong pagkilos ng mga grupong may katulad na pundasyon ng pakilibaka, nakatitiyak akong marami ang may ganitong karanasan ngayon. Naalala ko ang sinabi ng isang kaibigan na nasa progresibong grupo o yung tinatawag na mga militante–maraming magulang na raw siyang nakitang umiyak ngunit kalaunan ay ganap na nagparaya.

Ilan ang tulad ng kaibigan ko na ipinaglaban ang pundasyon ng pag-ibig ng pamilya bago ang masang kanila ding kinabibilangan? Marami din ba sila?

Siyangapala, ang kaibigan kong lumuha at nanindigan sa pag-ibig na mula sa pamilya higit sa pag-ibig mula sa masa at para sa masa ay isang ama.

“Kapag may nangyari sa iyo? Iiyak ba ang masa? May hihigit pa ba sa iyak na magmumula sa iyong sariling pamilya?”

Nagyakap ang ama at ang anak.

Mahigpit. Napakahigpit.

Ang dalawa ay umuwi sa kanilang tahanan.

Kinabukasan, ang anak ay muling iniwan ang ama, ang pamilya at ang kanilang tahanan.

Tunay na kuwento. Nangyari sa kaibigan ko. Maaaring nangyayari sa maraming pamilya ngayon.

Read more...