Palasyo walang kinalaman sa mga isinasampang kaso ng Ombudsman

 INQUIRER PHOTO / NINO JESUS ORBETA
INQUIRER PHOTO / NINO JESUS ORBETA

Kinontra ng Malacañang ang mga alegasyon ni Vice President Jejomar Binay na ginagamit ng mga kaalyado ni Pangulong Benigno Aquino III ang pagsasampa ng graft cases para sirain ang mga kalaban sa pulitika.

Sinabi ni Communications Secretary Sonny Coloma Jr. ang pagsasampa ng mga graft cases ay nasa poder na ng tanggapan ng Ombudsman.

Binigyang diin ni Coloma na naka-sentro ang atensiyon ng pamahalaang Aquino sa mga reporma na ipinatutupad at hindi sa pulitika na tulad ng alegasyon ng Pangalawang Pangulo.

Binigyang-diin ni Coloma na ang Ombudsman ay isang independent institution na tumatanggap ng mga reklamo laban sa mga government officials at hindi maaaring saklawan ng kahit na anumang sangay ng pamahalaan.

Idinagdag din ng kalihim na mas makabubuting sagutin na lamang ni Binay ang mga alegasyon laban sa kanya para maipaliwanag niya ng husto ang kanyang panig.

Sa pagtitipon ng National Unity Party kahapon ay sinabi ng Pangalawang Pangulo na dapat ay magkaroon ng moratorium sa pagsasampa ng mga kaso dahil ginagamit umano ang nasabing mga akusasyon bilang pambala ng administrasyon sa kanilang mga kalaban sa pulitika.

Read more...