Filipino-Chinese Catholics, binigyan ng exemption ng RCAM sa lent abstinence sa Chinese New Year
Ginawaran ng ‘dispensation’ o exemption ng Archdiocese of Manila sa lent abstinence ang mga Filipino-Chinese Catholics na sakop ng arkidiyosesis sa February 16, Chinese New Year.
Dahil dito, maaaring kumain ng karne ang mga Filipino Chinese sa naturang araw na nasa ilalim na ng panahon ng Kuwaresma.
Magsisimula na kasi ang 40 araw ng Kuwaresma sa ‘Miercoles de Ceniza’ o Ash Wednesday sa February 14.
Lahat ng Katoliko edad 14 pataas ay kailangang umiwas sa pagkain ng karne at mag-fasting sa lahat ng Biyernes ng panahon ng Kuwaresma maging sa Ash Wednesday.
Ang naturang ‘dispensation’ ay ipinagkaloob sa pamamagitan ng Circular No. 2018-01 na nilagdaan ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio G. Cardinal Tagle.
Batay sa Canon Law ng Simbahan, ang ‘dispensation’ ay pagkakaloob ng ‘exemption’ sa ‘immediate obligation’ ng mga mananampalataya na ikinokonsidera ang ilang kondisyon.
Ayon kay Tagle, ang pagkakaloob ng ‘dispensation’ ay bilang pakikiisa sa kahalagahang kultural at espiritwal ng Spring Festival o Chinese New Year.
Gayunman, hinihimok pa rin ng Arsobispo ang Filipino-Chinese Catholics na makikinabang sa ‘dispensation’ na ituon ang sarili sa iba pang paraan ng pag-aayuno at pagkakawanggawa lalo na sa mahihirap.
Ito anya ay upang mapanatili ang ‘penitential spirit’ ng panahon ng Kuwaresma.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.