Tutumbukin ng binuong Special Investigation Team ng Department of Justice kung sino ang nasa likod ng paramilitary groups na sinasabing responsable sa pagpatay sa tatlong miyembro ng mga katutubong grupo o Lumad sa Lianga, Surigao Del Sur nong nakalipas na buwan.
Ayon kay Justice Secretary Leila de Lima, batay sa kanilang paunang impormasyon ang kasapi sa Mahagat at Bagani Forces ang nasa likod ng pagpatay.
Ang nasabing mga grupo ay pinaniniwalaang binuo ng ilang opisyal ng militar para makasama nila sa mga operasyon sa mga miyembro ng rebeldeng grupo sa Mindanao region.
Kaugnay nito, kabilang sa iimbestigahan ng Special Investigation Team na binubuo ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) at National Prosecution Service (NPS) ay kung sino ang nagpopondo at nagbigay ng armas sa nasabing grupo.
Mahalaga rin umanong malaman kung ano ang naging “contributory factor” mula sa panig mg lahat mg mga sangkot sa isyu na naging dahilan ng paglala ng sitwasyon ng mga Lumad.
Naniniwala ang kalihim na ang isyu ng lumad ay hindi lamang panloob na usapin sa Pilipinas dahil ang isyung ito ay tinututukan ng United Nations kaya mahalaga na makapagsagawa ng mabusising imbestigasyon.