Panukalang batas laban sa pag-abuso airline companies lusot na sa committee level sa kamara
Lusot na sa House Committee on Transportation ang substitute bill para sa Air Passengers Bill of Rights.
Ito’y matapos isulong na mapagbotohan ito dahil na rin sa tagal na pagkabinbin sa komite. Layon ng naturang panukala na maremedyuhan ang pag-abuso ng mga airline company sa mga pasahero na nakabibiktima ng mga delay o kanselasyon ng biyahe.
Sa ilalim ng panukala, pinapayagan ang reimbursement ng 75 percent ng pamasahe kung magkakansela ang pasahero sa loob ng 24-hours bago umalis ang eroplano.
Kailangan ding magbigay ng refreshment ang airlines sa mga pasahero para sa dalawang-oras na pagka-antala ng flight, kabilang na ang libreng tawag o internet gayundin ng hotel accomodation para sa cancelled flights.
Nakasaad din dito ang 20 percent discount para sa senior citizens, person with disabilities o PWDs at mga estudyante.
Magmumulta naman ang airline company na hindi susunod sa nasabing kautusan oras na maging ganap na batas ang panukala.
Hinimok naman ni Bayan Muna Partylist Rep. Neri Colmenares ang Liderato ng Kamara na ihabol ang pag-apruba sa panukala bago mag-November 1 kung kung saan ay inaasahang muling tataas ang mga byaherong sasakay ng mga eroplano.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.