Dinakip ng pinagsanib na pwersa ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines ang isa sa mga finance officers ng CPP-NPA sa Butuan City.
Sinabi ni 36th Infantry Battalion Spokesman Capt. Anthony Al Pueblas na nahuli kahapon si Leonida Guao na kilala rin sa mga aliases na Ka Leah, Ka Laya at Ka Ligaya na umano’y may hawak ng pondo ng CPP-NPA Komisyon Mindanao.
Ang nasabing opisyal ng komunistang grupo ay naaresto ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group Region 13 at ng 402nd Bridgade ng AFP makaraang maglabas ng warrant of arrest laban sa kanya ang Butuan Regional Trial Court Branch 7.
Si Guao ay nahaharap sa mga kaso ng murder at extortion.
Sinabi ni Al Pueblas na ang nahuling lider-komunista ay ang may hawak ng pondo ng kilusan para sa malaking bahagi ng Mindanao.
Sa kanya umano idinederetso ng ilang NPA members ang kanilang mga nakukuhang revolutionary tax mula sa ilang mga negosyante na kanilang hinaharass.