Kid Peña, inireklamo dahil sa overpriced birthday cakes
Ipinagharap ng reklamong paglabag sa Republic Act (RA) 3016 o Anti-graft and corrupt practices act sa Office of the Ombudsman si Makati City acting Mayor Romulo “Kid” Peña.
Base sa 27-pahinang reklamo ni Bobby Brillante na dating vice mayor ng Makati, sinabi nitong overpriced at maanomalya ang procurement contract na pinasok ni Peña para sa pagsu-supply ng cake na ginagamit na panregalo sa mga senior citizen ng Makati na nagdiriwang ng kaarawan.
Sinabi ni Brillante na mas mahal ng P3 milyon o 35 percent ang kontratang pinasok ni Peña kumpara sa kontrata noong panahon ni suspended Mayor Junjun Binay.
Ang kontrata na nagkakahalaga ng P8.6 milyon ay nai-award ni Peña sa Goldilocks Inc. para sa pagsusupply ng 31,187 na piraso ng cake mula August 15, 2015 hanggang December 31, 2015.
Sa kontrata ni suspended Mayor Binay sa Timstaste/Bakerite Food and Beverage Corporation ang isang cake ay nagkakahalaga ng P306 lamang na at may sukat na 9 inches ang diameter at 4 inches ang kapal na doble ang kapal sa cake ng Goldilocks.
Bagaman mas mura ng P26 bawat isang cake sa Goldilocks iginiit ni Brillante na mas manipis naman ito kumpara sa dating cake na naisu-supply sa city government.
Bukod dito, matapos kanselahin ang kontrata na pinasok ni Binay hindi rin umano nag-imbita ng iba pang bidder si Peña para sa supplier ng cake na ibibigay sa mga senior citizen.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.