‘Kung ayaw ng federalism, mag-hybrid tayo’ – Duterte

Bukas si Pangulong Rodrigo Duterte na bitawan ang kagustuhang palitan ang kasalukuyang sistema ng gobyerno patungong federalismo sakaling hindi ito gusto ng publiko.

Sa kanyang talumpati sa Indigenous People’s Leaders Summit sa Davao City ay iminungkahi ng pangulo ang ‘hybrid’ na istruktura ng pamahalaan tulad ng sa Hong Kong at China.

“Kung ayaw ninyo ng federalism all throughout, mag-hybrid tayo. We can have a parang Hong Kong-China,” ani Duterte.

Tinutukoy ng pangulo ang Hong Kong na sakop ng soberanya o kapangyarihan ng China, ngunit may tiyak na antas ng awtonomiya bilang isang ‘special administrative region’ ng bansa.

Gayunman, iginiit ng pangulo na ang Federalismo ang pinakamaganda umanong uri ng gobyerno.

Iniiwasan niya lang anya na sumiklab ang kaguluhan sa Mindanao.

“Federal system would be the ideal setup. But if everybody don’t like it, then we have to make a concession. You know why? … ang iniiwasan ko ay `yung giyera, magkagulo talaga tayo dito sa Mindanao… That is only my concern,” ayon sa pangulo.

Matatandaang sa mga nakaraan niyang talumpati ay tinitiyak ni Duterte na sagot sa mga problemang kinahaharap ng Mindanao ang Federalismo dahil solusyon ito upang umunlad ang rehiyon.

Muling sinabi ng presidente na sakaling maipasa ang panukalang Cha-Cha ay handa siyang bumaba sa pwesto at hindi anya niya sasamantalahin ito upang mapalawig sa termino.

Read more...