Wala pang sinisibak si Department of Justice (DOJ) Sec. Leila De Lima na ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) na sinasabing tumanggap ng malaking halagang suhol mula sa tinaguriang “Bilibid 19” na pansamantalang nakakulong sa NBI detention facility.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni NBI Director Virgilio Mendez, na mismong si De Lima ang nagsabi sa kaniya na siya ay “misquoted” lamang hinggil sa mga balitang mayroon ng tatlong NBI agents na sinibak na sa pwesto.
Ayon kay Mendez, unfair naman para sa kanilang mga tauhan na agad masibak nang hindi nabibigyan ng due process.
Magugunitang isang miyembro ng Bilibid 19 ang nagsabing umaabot sa P1.5 million ang suhol na ibinibigay ng mga high profile inmates sa mga NBI agents para mapayagang makapagpasok ng gadgets sa bilangguan.
“Sabi ni Sec. De Lima, misquoted siya, wala siyang sinasabing sinibak. Bibigyan ng due course ang mga agents na sinasabing tumanggap ng suhol,” sinabi ni Mendez
Dagdag pa ni Mendez, mga tauhan ng Bureau of Correction (Bucor) ang nagbabantay sa Bilibid 19 at hindi mga ahente ng NBI.
Katunayan, tuwing magsasagawa nga aniya ng inspeksyon ang NBI sa detention facilities, kinakapkapan pa sila ng mga Bucor Guards bago pumasok at kapag palabas na.
Hindi naman tinukoy ni Mendez kung posibleng mga tauhan ng Bucor ang kasabwat ng BIlibid 19. Pero ayon kay Mendez, dapat ay lumabas ang totoo sa kung sino ang talagang tumatanggap ng suhol.
“Gusto din naman naming malaman ang totoo kung sino talaga ang nasusuhulan. I think we have to conduct further investigation, hindi naman porke sinabi ng isang preso paniniwalaan na,” ayon pa kay Mendez./ Dona Dominguez-Cargullo
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.