Nagbabala ang Food and Drug Administration sa publiko sa pagbaha ng mga pekeng gamot at beauty products sa merkado.
Ang babala ay ginawa ni FDA Director General Nela Charade Puno kasunod ng pagkakakumpiska sa P3M halaga ng pekeng mga over-the-counter at anti-impotence drug sa isang raid na ginawa ng FDA at mga kagawad ng Philippine National Police (PNP) noong January 27 sa isang abandonadong unit sa M. Dela Fuente St. Sampaloc, Manila.
Ang nasabing unit ay pag-aari ng isang Florenda Dela Rose Cortez at kinakasama nito na si Mushtaq Tahir, isa umanong Pakistani national.
Nasabat ng mga operatiba ang may 46 kahon na naglalaman ng 15 iba’t ibang brand ng gamot kabilang ang anti-impotence na gamot na cialis at tadalafil.
Ayon kay Puno, imbes na makabuti, maaaring makasama pa sa kalusugan ang mga nasabing produkto dahil posibleng contaminated o nagtataglay ng mga sangkap na mapanganib.
Ayon naman kay Retired Police Chief Supt. Allen Bantolo, officer-in-charge ng Regulatory Enforcement Unit ng FDA, ang mga nasamsam na produkto ay pinaniniwalaang galing sa China at India at sinasabing ibinibenta online sa mga dealers sa probinsya sa mas mababang halaga.
Kaugnay nito, pinapayuhan ng FDA ang mga consumer na huwag magpa-biktima sa mga nagbebenta ng mga pekeng gamot sa pamamagitan ng pagbili sa mga lisensyadong botika na may certificate of product registration.