DOH: Dengue ang ikinamatay ng 3 sa 14 na batang nasawi na nabakunahan ng Dengvaxia

Kuha ni Erwin Aguilon

Tatlo sa mga batang namatay na naturukan ng Dengvaxia vaccine ang nasawi dahil sa sakit na dengue.

Base sa resulta ng binuong PGH-Dengue Investigative Task Force ng Department of Health, sa tatlong bata na nasawi ay dalawa ang posibleng ‘vaccine failure’ ang ikinamatay.

Gayunman, ayon kay Dr. Juliet Sio-Aguilar, pinuno ng PGH expert panel kailangan pa nilang magsagawa ng karagdagang pagsusuri ng tissue samples ng mga nasawi.

Tatlong iba pa sa 14 na nasawi ayon kay Sio-Aguilar ay walang kinalaman sa Dengvaxia o nagkataon lamang na sila ay nabakunahan at nagkaroon ng ibang malubhang sakit.

Anim namang kaso ng naturukang bata ay namatay dahil sa ibang uri ng sakit pero sila ay namatay sa loob ng 30-araw matapos mabakunahan. Hindi rin aniya dengue ang ikinamatay ng mga ito.

Dalawa naman sa mga naturukan ng Dengvaxia na nasawi ay hindi pa mabatid ang dahilan dahil sa kakulangan ng impormasyon.

Isusumite naman ng Department of Health (DOH) sa Department of Justice (DOJ) ang report ng national expert upang makatulong sa isinasagawa nitong imbestigasyon.

Sa datos ng DOH mahigit 830,000 mga bata ang nabakunahan ng Dengvaxia mula Marso 2016 hanggang Oktubre 2017.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Read more...