Mark Taguba pinalilipat na sa Manila City Jail

INQUIRER PHOTO

Ibinasura ng Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 46 ang mosyon na inihain ng kampo ng customs broker na si Mark Taguba na manatili sa kustodiya ng National Bureau of Investigation (NBI).

Sa naging pagdinig ni Judge Rainelda Estacio-Montesa sinabi niya na walang mandato ang NBI na mangalaga sa mga taong isinasailalim sa pagdinig.

Dahil dito agad ipinag-utos ni Montesa na ikulong sa Manila City Jail si Taguba.

Ayon sa korte, ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang naatasan sa batas na mangalaga sa mga may kinakaharap na kaso kung saan ongoing ang mga pagdinig.

Sinabi rin ng korte na base sa rules on evidence hindi maaring magpasya ang husgado ng walang malinaw na ebidensyang ipiniprisinta.

Sa argumento ng kampo ni Taguba, nangangamba siya para sa kanyang kaligtasan kung hindi siya NBI makukulong dahil bago lumabas ang warrant of arrest laban sa kaniya ay nagpakostudiya na siya sa senado at binigyan siya doon ng seguridad.

Kinontra naman ng prosekusyon ang mosyon ni Taguba dahil wala umanong aktwal na basehan na may banta sa buhay ni Taguba.

Itinakda ng korte ang pagbasa ng sakdal kay Taguba sa Biyernes, February 9.

Samantala, binigyan ng korte ang prosekusyon ng sampung araw upang magkomento sa inihaing motion to dismiss ng kampo ng akusadong si Richard Tan.

Sinabi ng korte na kapag hindi nakapagkomento ang prosekusyon matapos ang nasabing araw ay pagpapasyahan na ang mosyon.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Read more...