Plebesito ngayong Mayo 2018, malabo ayon sa COMELEC
Malabong magkaroon ng plebesito sa darating na Mayo ngayong taon kahit na ipilit pa ito ng mga mambabatas.
Ayon kasi kay Commission on Elections (COMELEC) acting chairman Christian Robert Lim, kakailanganin nila ng anim na buwan para sa manual election para sa Charter Change.
Mismong ang public bidding pa lamang aniya sa mga gagamitin para dito ay posible nang umabot ng dalawa hanggang tatlong buwan agad.
Maliban dito, sinabi rin ni Lim na wala namang nakalaan na pondo sa COMELEC para sa plebisito ngayong taon.
Ang tanging paraan lamang aniya para mapabilis ang proseso ay kung magiging exempted ang COMELEC sa pagsasagawa ng public bidding, o kaya ay maaprubahan ng Kongreso ang supplemental budget para dito.
Sakaling maging exempted sa public bidding, maaring matapos ng COMELEC ang mga preparasyon sa loob ng tatlo hanggang apat na buwan.
Kung hindi magagawa ang dalawang nasabing paraan, talaga aniyang malabo na maisagawa ang plebisito ngayong 2018.
Ang problema aniya kasi ay sa ilalim ng Konstitusyon, kailangang isagawa ang plebisito “not earlier than 60 days and not later than 90 days,” ngunit kailangan nilang sumunod sa mga tuntunin sa public bidding.
Mismong ang pagbili din lang aniya ng carbonless paper ay magtatagal na dahil kukunin pa ito sa ibang bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.