Plebesito, maaring maisagawa bago ang May 2019 elections

 

Posibleng maisagawa ang plebesito bago pa man ang May 2019 midterm elections.

Ayon kay Senate President Koko Pimentel, magagawa ito kung agad na magkakasundo ang Kongreso na magpalit sa federal na uri ng pamahalaan, pati na sa mga panukalang pag-amyenda sa Konstitusyon.

Paliwanag ni Pimentel, lumalabas na mas praktikal kung isasagawa ito sa May 2019.

Gayunman, kung handa na sa June o July ng kasalukuyang taon ang panukala, hindi na kailangang hintayin pa ang May 2019 dahil maari naman silang magtakda ng stand-alone plebiscite para dito.

Umaasa naman si Pimentel na pagdating ng Marso ay matatanggap na niya ang isang report mula sa mga pagdinig kaugnay ng Charter Change proposals na isinagawa ng Senate committee of contitutional amendments.

Dapat din aniyang maging bukas ang mga mambabatas sa mga mungkahi ng consultative committee na binuo ni Pangulong Rodrigo Duterte, dahil pinondohan naman ng buwis ng sambayanan ang naging trabaho ng mga ito.

Read more...