Binantaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga estudyante ng University of the Philippines na ‘ipapa-kickout’ sa unibersidad kung magpapatuloy sa pagpuprotesta laban sa kanyang pamahalaan.
Ang reaksyon ng pangulo ay bilang tugon sa pag-walk out kamakailan sa klase ng ilang mga mag-aaral ng UP Diliman na dumalo sa National Day of Walkout Against Tyranny and Dictatorship.
Bahagi ng protesta ng mga mag-aaral na ipanawagan ang pagkontra sa anila’y diktaturyang ipinaiiral ng Duterte administration.
Sa kanyang talumpati sa Indigenous Peoples Leaders’ Summit sa Felix Apolinario Naval Station sa Panacan, Davao City, sinabi ng pangulo na kung nais ng mga estudyante ng UP na magpatuloy sa pagpuprotesta, hindi na dapat pumasok pa ang mga ito.
Giit pa ng pangulo, pera ng taumbayan ang ginagastos ng mga mag-aaral bilang mga iskolar.
Mas makabubuti pa aniyang palitan ang mga nagpu-protestang mag-aaral ng mga estudyanteng mula sa mga indigenous group na matatalino at mas karapat-dapat na mabigyan ng libreng edukasyon.
Kasabay nito, hinihimok rin ng pangulo ang mga estudyanteng lumad na matatalino na pumasok sa Philippine Military Academy upang mabigyan ng maayos na eukasyon.
Handa rin aniya ang kanyang pamahalaan na bigyan ng pagkakataon ang mga ito na makapasok sa mga mamahaling unibersidad tulad ng Ateneo De Manila University at De La Salle University at ang gobyerno ang magbabayad ng kanilang matrikula.