Publiko imbitado ni Duterte sa pagdurog sa smuggled luxury vehicles

Inquirer file photo

“Manood kayo”!

Ito ang ginawang panghihimok ni Pangulong Rodrigo Duterte sa publiko dahil gagamitan daw niya ng bulddozer ang mga kumpiskadong smuggled luxury vehicles o ang mga mamahaling sasakyan na nasabat ng Bureau of Customs.

Ayon sa pangulo, ipadudurog niya sa pison ng BOC ang mga mamahaling sasakyan sa araw ng Martes.

Tiniyak ng pangulo na hindi na mapakikinabangan ang mga nasabat na mga smuggled luxury vehicles.

Gayunman, hindi na tinukoy ng pangulo kung saang eksaktong lugar ipadudurog ang mga mamahaling sasakyan at kung personal niya itong sasaksihan.

Una rito, sinabi kanina ni Presidential Spokesman Harry Roque sa press briefing sa Baguio City na patunay lamang ito na seryoso ang pamahalaan sa paglaban sa smuggling lalo na sa katiwalian.

Sinabi ni Roque na mas magandang sirain nalang ang mga sasakyan dahil kung ay isusubasta pa ng BOC ay mabibili lang din ito ng mga smuggler sa murang halaga.

Matatandaan na noong panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ay pinasira din nito ang mga luxury vehicles na nasabat ng BOC.

Read more...