Sinabi ng Mataas na Hukuman na tama ang desisyon ng Ombudsman na sibakin sa pwesto sina dating PNP Director Leocadio Santiago, Jr. at George Piano; P/S Supt. Job Nolan Antonio, Edgar Paatan, Mansue Lukban at Claudio Gaspar, Jr.; C/Supt. Herold Ubalde at Luis Saligumba; Supt. Ermilando Villafuerte at Roman Loreto; C/Insp. Maria Josefina Reco; SPO3 Ma. Linda Padojinog, PO3 Avensuel Dy at non-uniformed personnel na si Ruben Gongona.
Noong 2009 ay bumili ang PNP ng dalawang unit ng Robinson R44 Raven Light Police Operational Helicopters na may presyong P62.6 Million at isang Robinson R44 II na nagkakahalaga naman ng P42.3 Million.
Nauna nang lumabas sa mga ulat na ang Manila Aerospace Products Trading Corporation ang supplier ng nasabing mga choppers.
Sa ginawang imbestigasyon ng Ombudsman ay kanilang napatunayan na isang Raven II lamang ang naideliver sa PNP samantalang ang isang chopper naman ay second hand na pag-aari ni dating First Gentleman Mike Arroyo.
Taong 2012 nang ibaba ang hatol sa mga respondents kung saan kasama dito ang pagbawi sa kanilang mga benepisyo sa PNP at perpetual disqualification sa paghawak ng anumang posisyon sa pamahalaan.