Bagyong Jenny nakalabas na ng bansa, patungo na ng China
Nakalabas na ng Philippine Area of Responsibility o PAR ang bagyong Jenny at ngayon ay kumikilos na patungo sa Southeastern China.
Ayon kay Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) forecaster Buddy Javier, alas 5:30 ng umaga nang lumabas ng bansa ang bagyo na may International name na Dujuan.
Kagabi naglandfall na ito sa bahagi ng Taiwan, at maaring magkaroon ng second landfall sa mainland China.
Humina naman ang bagyong Dujuan at ngayon ay taglay ang lakas ng hangin na aabot sa 130 kilometers kada oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 160 kilometers kada oras.
Sinabi ni Javier na mararamdaman pa rin ngayong araw sa malaking bahagi ng bansa ang epekto ng habagat na pinalalakas ng bagyo.
Partikular na makararanas ng mahina hanggang sa katamtamang pag-ulan ang mga rehiyon ng Ilocos, Cordillera, Cagayan Valley, Central Luzon, Metro Manila, CALABARZON at ang lalawigan ng Mindoro at Palawan.
Bukas at sa mga susunod na araw ay inaasahan ang mas magandang panahon sa bansa dahil wala pang nakikitang sama ng panahon ang PAGASA na malapit sa Philippine Area of Responsibility (PAR).
Ang bagyong Jenny ang nag-iisang bagyo na pumasok sa bansa ngayong buwan ng Setyembre.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.