Isa ang patay matapos bumangga sa isang garbage truck ang isang Amtrak passenger train lulan ang mga miyembro ng Republic Party ng United States Congress sa Crozet, Virginia.
Patungo lamang sana ang mga mambabatas sa isang ‘policy retreat’ sa West Virginia ng maganap ang aksidente.
Naganap ito 11:20 ng umaga sa Estados Unidos.
Wala namang nasugatan sa mga mambabatas ngunit ayon sa White House, isa ang namatay na natukoy na sakay ng truck habang isa rin ang lubhang nasaktan.
Naipalam din naman agad kay US President Donald Trump ang nangyari.
Kabilang sa mga lulan ng tren ay si House Speaker Paul Ryan ngunit hindi naman nasaktan ayon sa mga ulat.
Agad namang rumesponde ang mga awtoridad upang magbigay ng atensyong medikal at iniimbestigahan na rin ng local enforcement units ang nangyari.
Sa isa namang tweet ay nagpahayag ng simpatya si Vice President Mike Pence at sinabing nananalangin siya para sa mga sangkot sa insidente.
Patuloy anya siyang magbabantay sa sitwasyon at tutungo pa ng West Virginia ngayong araw.
Ang ‘policy retreat’ ay taunang pagtitipon kung saan pinag-uusapan ng mga kongresista ang mga panukalang batas at mga plano para sa nalalapit na congressional elections.
Magtatagal ang retreat hanggang Biyernes kung saan inaasahang dadalo rin si Trump. / Rhommel Balasbas
Excerpt: