Mahistrado ng CA, pinagbawalan ni Sereno na mag-courtesy call kay Pangulong Duterte

 

Kinumpirma ni Supreme Court Associate Justice Andres Reyes Jr. na pinagbawalan silang mga Mahistrado ng Court of Appeals ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno na mag-courtesy call noon kay Pangulong Rodrigo Duterte matapos itong manalo sa eleksiyon.

Sa kanyang pagharap sa House Committee on Justice, sinabi ni Reyes na noong presiding justice pa siya ng CA napagkasunduan ng ilang Mahistrado na magpadala ng sulat sa Malakanyang para makapag-courtesy call sa pangulo.

Binigyan aniya ng kopya nito si Sereno dahilan upang ipatawag siya ng Punong Hukom at kinompronta ukol dito.

Sinabi anya sa kanya ni Sereno na insulto at kahihiyan ang sulat ng mga CA justices kay Duterte dahil laman nito ang mga problema sa hudikatura.

Nagbanta pa aniya ang Punong Mahistrado na maaring katapusan na ng kanyang career kapag itinuloy ang nais na courtesy call dahil wala sila magagawa sa Malakanyang sapagkat madaldal ang presidente kaya tiyak na hindi ang mga ito makapagsasalita.

Mataas na ayon kay Reyes ang boses ni Sereno noong kausap siya kaya humingi na lamang ito ng paumanhin.

Sa utos na rin ni Sereno, kinansela ng CA justices ang planong courtesy call kay Duterte pero sa huli ay itinuloy na lamang ito para ipresenta sa pangulo ang commemorative coin at stamp para sa CA anniversary.

Nilinaw naman ni Reyes na napatawad na niya si Sereno sa banta nitong tatapusin ang kanyang career.

Inihayag naman ni SC Associate Justice Teresita de Castro na binalak ni Sereno na parusahan ang CA justices at sa katunayan, isinama nito sa en banc agenda ang posibilidad ng pagpapaliwanag sa CA justices pero walang sumuporta ditong mga mahistrado.

Read more...