Poe, nanguna sa Pulse Asia survey, puntos ni Roxas tumaas

 

Mula sa inquirer.net

Nananatiling nangunguna sa listahan ng mga pinagpipilian na maging susunod na Pangulo ng bansa si Sen. Grace Poe, ayon sa pinakahuling surveyng Pulse Asia.

Ang nasabing survey ay isinagawa ng Pulse Asia noong ikalawang linggo ng Setyembre sa 2,400 katao kung saan nakalap ni Poe ang 26% ng boto ng mga respondents, 20% kay Liberal Party standard bearer Mar Roxas at 19% naman ang napunta kay Vice President Jejomar Binay.

Bagamat nasa pinakataas na posisyon si Poe, mas malaki naman ang iniakyat ng puntos na nakuha ni Roxas na nagdala ngayon sa kaniya sa ikalawang posisyon.

Dahil dito, ‘statistically tied’ na sina Roxas, VP Binay at Davao City Mayor Rodrigo Duterte.

Kung ikukumpara sa June survey ng Pulse Asia, umakyat ng 10 puntos si Roxas, samantalang bumaba ng 4 na puntos si Poe at 3 puntos naman ang ibinaba ng puntos ni Binay.

Nadagdagan naman ng isang puntos si Duterte.

Malaki naman ang pasasalamat ni Poe sa patuloy na pagsuporta at paniniwala sa kaniya ng publiko at ginagawa niya itong paalala sa kaniyang sarili upang mas paigtingin pa ang pagsisilbi sa publiko.

Nagpasalamat rin si Roxas sa pag-taas ng kaniyang nakuhang puntos na sumasalamin sa pagtitiwala sa kaniya ng mga tao.

Samantala, kuntento naman si VP Binay sa kasalukuyang kinalalagyan niya sa survey.

Ayon kay Atty Rico Quicho, tagapagsalita ni Binay, sapat na umano na statistically tied sila nina Roxas sa ikalawang pwesto lalo at noong panahon na isinagawa ang survey, wala pa umano syang tv advertisement.

Malinaw umano na ipinakita ng survey na kahit wala pang tv ads, ay mayroon maasahan na mga supporters si Binay pagdating ng halalan sa 2016.

Kaugnay nito, hindi pa rin umano titigil si Binay na pag-ibayuhin pa ang pagtatrabaho para maipaalam sa mga botante ang kanyang mga nagawa at mga programa para sa mga mahihirap.

Hindi naman naniniwala si Duterte na may magagawa ang anumang resulta ng mga survey sa pagkumbinse sa kaniya na ituloy na ang pagtakbo bilang pangulo sa darating na halalan.

 

Read more...