11334251_814345828650195_6944890334572575515_oBalanseng Pagbabalita, Walang Takot na Pamamahayag– yan ang tinitindigan ng Radyo Inquirer News Team.Naniniwala ang Radyo Inquirer na ang bawat pagsasahimpapawid ay atas ng tungkulin na makapaghatid ng tumpak na balita sa oras na kailangan ito.

Karanasan, katapatan at katungkulan, ito ang pundasyon ng pagbabalita ng mga piling-piling field reporters na kinabibilangan nina Alvin Barcelona, Ruel Perez, Jan Escosio, Chona Yu, Erwin Aguilon, Jong Manglapaz, Isa Avendano-Umali at Ricky Brozas.

Ang bawat mamahayag ay nagsisilbing tenga, mata at bibig ng mga tao o mamamayang walang pagkakataon na madinig, makita at maisatinig ang kanilang mga kuwento, yan ang tingin ni Manlapaz sa kanyang bahagi bilang isang mamamahayag. “Ang bawat pagbabalita ay pagbibigay ng kasagutan ngunit kasunod ng kasagutan ay mga karugtong pang mga katanungan,yan ang aking natutunan sa maraming taon bilang mamamahayag,”dagdag pa ni Manlapaz.

“Ang pinakamahalagang bahagi ng pagiging kagawad ng media ay ang pagkakataon na makatulong sa mga mamamayan sa pamamagitan ng himpapawid,”ito ang pananaw ni Barcelona sa kanyang pagiging mamamahayag. Ang pagbibigay naman ng tamang impormasyon ang isa sa pinakamahalagang papel ng media ayon kay Brozas. Anya, “Mahalaga ang tamang balita at impormasyon para matulungan ang mamamayan na malaman ang tunay na nangyayari sa kanyang bansa. Ito ang papel ng Radyo Inquirer.”

Lahat na halos ng beat assignment naranasan na ni Aguilon at sa higit sa labing-apat na taon bilang field reporter, pinakamahalaga ang patas na pamamahayag at iyon ang lalong nabigyang diin sa pagiging bahagi niya sa Radyo Inquirer ani Aguilon.

Daluyan ng impormasyon at balita, ito ang maikli ngunit buong-buong pag-angking tugon ni Yu sa kanyang bahagi bilang mamamahayag sa himpapawid. Para naman kay Umali, ang bawat pangyayari na kanyang naibalita sa himpapawid tulad ng 2010 National Elections, Luneta Hostage taking, bagyong Yolanda at pagbisita ni Pope Francis sa Pilipinas ay nagsisilbing patunay kung gaano kahalaga ang katotohanan sa bawat pagsasahimpapawid.

“Maging tapat ka lang, lagi mong iisipin na katotohanan ang kailangan ng nakikinig at sumusubaybay sa iyo at sa himpilan sa kabuuan, hindi ka mawawala sa kung ano ang tunay na dahilan kung bakit ka naging isang mamamahayag,” yan naman ang pananaw ni Escosio sa tungkuling nakaatang sa kanya.

“Para maihatid ang katotohanan, dapat wala kang takot, ngunit hindi naman ibig sabihin na isasantabi mo na lang ang responsabilidad. Dito papasok yung pagsaalang-alang sa kaakanan ng publiko, at ang balitang isinasaalang-alang ang madla ay ang balitang hindi lang basta ingay kundi katotohanan,” ito naman para kay Perez ang barometro ng tunay na pamamahayag na may kalakip na serbisyo publiko.

Pinangungunahan ng batikang mamamahayag na si Arlyn Dela Cruz and Radyo Inquirer News Team bilang News Director. “Maraming mga pagbabago sa Radyo Inquirer at ang lahat ng mga pagbabagong ito ay nakatindig sa kung ano ang kailangan ng Filipino ngayon, balita at impormasyong kanyang mapanghahawakan dahil sa ito ay tama, saan man siya naroon,kalian man niya kailanganin ito” ayon kay Dela Cruz.

Ang bagong direksiyon ng Radyo Inquirer ay nasa kumpas at kambiyo ng beteranong mamamahayag at news executive na si Jake Maderazo. “Limang taon na ang Radyo Inquirer. Panahon na para sa mga makabuluhang pagbabago na inaasahan at nararapat sa panahong ito ng mabilis, tumpak at walang takot na pamamahayag,” ani Maderazo.

Sa buwan ng Setyembre 2015, ang Radyo Inquirer ng Inquirer Group of Companies ay sasapit na sa kanyang ika-limang taon ng pagkakatatag. Pinakabata sa lahat ng kumpanya sa ilalim ng IGC, ang Radyo Inquirer ay nasa bukana ng ganap na “digital media operation”.