Isa sa mga may-ari ng mga asong namatay matapos ilagay sa closed van, kinasuhan

By Justinne Punsalang December 24, 2017 - 04:28 AM

Layon na maturuan ng leksyon ang mga may-ari ng aso, nagsampa ng kaso ang isang animal welfare group laban sa may-ari ng walong asong namatay matapos silang ilagay sa loob ng closed van, at ilang iba pa.

Mismong ang program director ng Animal Kingdom Foundation Inc. (AKF) na si Heidi Caguioa ang nagtungo sa Marikina Assistant City Prosecuty para pormal na ihain ang kanyang reklamo laban kay Joey Mancilla, Arnmold Llanto na siyang driver ng van, ilang iba pang tumulong sa paglalagay sa mga aso sa naturang van.

Paglabag sa Section 6 ng Republic Act No. 8485 o Animal Welfare Act ang isinampa ni
Caguioa.

December 2 nang ilagay ang mga aso sa isang closed van para sana dalhin sa isang dog show ng Philippine Canine Club Inc. (PCCI).

Dalawang oras ibinyahe ang mga aso mula Malabon hanggang Marikina City nang walang tamang bentilasyon.

Matapos ang naturang insidente ay tinanggal na mula sa PCCI si Mancilla, bilang pagkundena sa nangyari.

Nakasaad rin sa petisyon ng AKF na walang kaukulang shipping permit ang ginamit na closed van at isa itong paglabag sa batas.

Samantala, nais rin ng AKF at iba pang mga animal welfare group na suspindihin ang PCCI sa pagsasagawa ng mga dog show dahil sa pagkabigo nitong i-monitor ang kanilang mga miyembro at hindi pagpapatupad ng istriktong panuntuhan tungkol sa pagsasagawa ng dog shows.

Ani Caguioa, mahalagang makasauhan si Mancilla para maging leksyon sa iba pang mga pet owners at maging paalala na kailangan nilang mas alagaang mabuti ang kanilang mga alagang hayop. Aniya, isang eye-opener ang naturang insidente.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.