Pangilinan, kinwestyon ang pagkakatalaga ni Sr. Supt. Ferro sa PNP-Drug Enforcement Group

By Justinne Punsalang December 10, 2017 - 09:55 PM

 

Kinwestyon ni Senador Francis Pangilinan ang pagkaka-appoint kay Police Senior Superintendent Albert Ignatius Ferro bilang bagong pinuno ng Philippine National Police – Drug Enforcement Group (PNP-DEG).

Sa isang pahayag, sinabi ni Pangilinan na marami namang ibang opisyal ng PNP na walang bahid ng dumi ang pangalan at mas karapat-dapat na pamunuan ang DEG.

Ani Pangilinan, sa pagkaka-appoint kay Ferro ay maraming mga pulis ang lalakas ang loob na umabuso sa kapangyarihan.

“Lalo lang lalakas ang loob ng pulis na gumawa ng hindi tama at abusuhin ang pwesto dahil promotion sa halip na parusa ang naghihintay sa kanila,” dagdag pa ni Pangilinan.

Dating pinamunuan ni Ferro ang PNP Anti-Illegal Drugs Group kung saan ang ilang mga miyembro ang sinasabing nasa likod ng pagdukot at pagpatay sa Koreanong negosyante na si Jee Ick Joo.

Nang pumutok ang kontrobersya ay binuwag ang grupo.

Ayon pa sa senador, upang makuha muli ng PNP ang tiwala ng taumbayan ay kailangang ilagay sa posisyon ang mga opisyal na malinis ang reputasyon patungkol sa kampanya ng pamahalaan laban sa iligal na droga.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.