14 peacekeepers, patay sa pag-atake ng mga rebelde sa Congo

By Kabie Aenlle December 09, 2017 - 05:03 AM

Kinumpirma ng United Nations (UN) na 14 sa kanilang mga peacekeepers ang nasawi habang 53 iba pa ang nasugatan sa pag-atakeng naganap sa Democratic Republic of Congo.

Ayon sa Monusco mission ng UN, ang nasabing pag-atake ay isinagawa ng mga rebelde ng Allied Democratic Forces (ADF) sa North Kivu province.

Limang sundalo ng DR Congo armed forces o (FARDC) ang nasawi rin sa naturang pag-atake.

Inilarawan naman ito ni UN Secretary General Antonio Guterres bilang “worst attack” laban sa mga UN peacekeepers sa kasaysayan.

Nagsagawa umano ng pag-atake ang mga rebelde sa isang operating base sa Semuliki sa Beni territory, Huwbes ng gabi.

Nagresulta ito sa bakbakan sa pagitan ng mga hinihinalang ADF at sa pwersa ng Monusco at FARDC.

Mariin namang kinondena ng pinuno ng Monusco na si Mamad Sidikou ang madugong pag-atake laban sa mga peacekeepers ng UN at ng mga tauhan ng FARDC.

Kasabay nito ay tiniyak niyang gagawin nila ang lahat ng hakbang upang mapanagot ang mga may sala.

Ang Monusco ang pinakamalaki at pinakamahal na peacekeeping operation ng UN na nagsimula noon pang 2010.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.