First date ng ALDUB, record breaking sa higit sa 10-milyong tweets

By Marilyn Montaño September 19, 2015 - 04:26 PM

Screengrab mula sa Twitter
Screengrab mula sa Twitter

Record-breaking ang first date ng phenomenal pair na AlDub sa Philippine television nina Alden Richards at Maine Mendoza o mas kilala sa tawag na Yaya Dub.

Alas kuwatro ng hapon ay pumalo sa 10.3 million ang #ALDUBMostAwaitedDate ang hashtag sa Pilipinas at trending tweets sa buong mundo.

Inaasahan pang tataas ang bilang ng tweets at posibleng hihigit pa sa 10 million mark kahit tapos na ang inaabangang unang date nina Alden at Yaya Dub.

Bago ang date ay nagbigay-galang muna si Alden sa mga magulang ni Maine na nasa studio ng Eat Bulaga. Nagmano ang aktor sa tatay ni Yaya Dub na lalong kinilig ang mga tagasubaybay sa pagpapakita ng paggalang ng binata.

Muli ring dumaan sa pagsubok ang dalawa sa pamamagitan ng isa pang compatibility test na ayon kay Lola Nidora ay magpapatunay kung sila nga ay MFEO o Made For Each Other.

Matapos ang pitong tamang sagot, sa wakas ay muling nagkita sina Alden at Yaya Dub at natuloy ang kanilang first date.

Sa kabila ng mahabang mesa na pumagitna sa kanila ay kitang-kita ang saya ng pagsasalo ng dalawa. Uminom sila ng red wine, humigop ng soup na may itlog na pugo at isaw.

Pero bilang naudlot ang date sa pamosong kalye serye ng Eat Bulaga nang tumunog na alarm clock na hudyat na oras na ng pag-inom ni lola Nidora ng kanyang gamot. Dahil sa pag-aalala ni Yaya Dub ay agad itong umalis at sumakay ng kotse at naiwan si Alden na lungkot na lungkot dahil hindi tumagal ang kanilang date.

Sa puntong ito ay biglang narinig ang tunog ng tila pagbangga ng isang sasakyan. tanong tuloy ng aldub fans, ano ang nangyari at naaksidente ba si Yaya Dub?

Ang tambalang Aldub ang pinakasikat na love team ngayon sa Philippine television.

Unang nagbreak ng twitter records ang dalawa sa hashtag na #Aldubtheabduction na nagtala ng mahigit anim na milyong tweets sa loob lang ng bente kuwatro oras.

TAGS: #ALDUBMostAwaitedDate, AlDub, #ALDUBMostAwaitedDate, AlDub

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.