Hinihinalang BIFF members, umatake sa isang paaralan sa Maguindanao

By Mariel Cruz November 19, 2017 - 09:43 AM

Inatake ng isang grupo ng armadong lalaki ang paaralan sa isang bayan sa Maguindanao, gabi ng Sabado.

Ayon sa ulat, pinagbabaril ng nasabing grupo ang gusali ng paaralan gamit ang isang grenade launcher.

Hinala ng mga otoridad, miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang mga suspek na umatake sa Barangay Buayan, sa bayan ng Datu Piang bandang alas otso ng gabi.

Lumabas sa inisyal na imbestigasyon na inatake ng mga suspek ang Gani L Abpi College Inc., gamit ang isang M79 grenade launcher.

Ayon kay Maguindanao Police Provincial Director Senior Supt. Agustin Tello, wala naman nasugatan sa pag-atake pero nagdulot ito ng takot sa mga residente.

Dahil sa pag-atake, nasira ang mga glass window ng paaralan at isang sasakyan na nakaparada malapit dito.

Iniimbestigahan na ngayon ng pulis at militar ang nasabing insidente.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.