Braso ng babaeng pasahero na naaksidente sa MRT-3, naikabit ng mga doktor

By Jan Escosio November 15, 2017 - 08:35 AM

Naibalik at naidugtong muli ang brasong naputol sa isang babae na nahilo at nahulog sa pagitan ng dalawang bagon ng MRT-3, Martes ng hapon.

Ayon kay Department of Transportation (DOTr) Usec. Cesar Chavez, isinagawa ang operasyon kay Angeline Fernando sa Makati Medical Center alas 8:00 ng gabi na natapos alas 3:00 ng madaling araw ng Miyerkules.

Sinabi ni Chavez na reconnected na ang braso ni Fernando kabilang ang buto, nerve at vessels.

Mananatili namang under observation si Fernando hanggang sa Biyernes para matukoy kung magagamit niya ng maayos ang braso.

Tiniyak din ni Chavez sa magulang ni Angeline na sina Jose Jr. at Gloria Fernando, na patuloy ang asiste ng pamahalaan sa kanilang pamilya at ilalapit din niya ito sa iba pang ahensyang maaring makatulong.

Si Angeline, na nag-iisang anak at breadwinner ng pamilya, ay nagtatrabaho bilang software engineer sa isang Makati-based IT company.

Noong Martes, alas 2:00 ng hapon, pagbaba ni Angeline sa isang bagon ng MRT ay nahilo ito at nahulog sa riles kaya’t nakaladkad siya ng sinakyang bagon.

Madalas umanong bigla na lang nahihilo si Angeline kapag maraming tao ayon sa kanyang ina.

 

 

 

 

 

 

 

TAGS: angeline fernando, Cesar Chavez, dotr, MRT, mrt-3, Radyo Inquirer, angeline fernando, Cesar Chavez, dotr, MRT, mrt-3, Radyo Inquirer

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.