Makasaysayang Villa Verde Trail, bubuksan na sa susunod na taon

By Kathleen Betina Aenlle September 16, 2015 - 04:34 AM

villa verde
WILLIE LOMIBAO / INQUIRER NORTHERN LUZON

Maaari nang magamit ng publiko ang makasaysayang Villa Verde Trail na magsisilbing pangalawang kalsada na kokonekta sa Ilocos at Cagayan Valley.

Ayon kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Ilocos assistant regional director Ronnel Tan, sinimulan na ng kagawaran ang paggawa sa 23 kilometrong bahagi ng Villa Verde Trail sa bayan ng San Nicolas para maging two-lane highway na kokonekta sa probinsya ng Nueva Viscaya.

Kilala ang Villa Verde Trail na dinaanan ng mga Allied Forces para habulin at sundan ang mga sundalong Hapon noong World War II. Mula sa Barangay Sta. Maria East sa bayan ng San Nicolas, tatagos ito sa Caraballo Mountains patungong Barangay Imugan sa Sta. Fe, Nueva Ecija.

Oras na mabuo ang nasabing bagong daan, hindi na lamang ang Maharlika Highway ang tanging daan na nagdudugtong sa Ilocos at mga rehiyon sa Cagayan Valley.

Ayon kay Tan, P300 milyon ang nakalaan ngayong taon para sa nasabing proyekto na gagamitin sa pagbuo ng 63-lineal meter brisge at sa pagbubukas ng 13 kilometrong bahagi ng daan.

Sa susunod na taon naman ay may P280 milyon na nakalaan na rin para naman sa pagbubukas ng natitirang bahagi ng daan at sa pagtatayo ng tatlong tulay.

Bagaman sa 2017 at 2018 pa ito inaasahang maaaspaltohan, maaari na itong daanan ng mga sasakyan sa 2016 ani Tan.

Ayon naman kay Board Member Ranjit Shahani, matagal na dapat natapos ang proyektong ito nang mapondohan ito ng US Agency for International Development (USAID), ngunit naantala ito dahil sa pagtutol ng indigenous people na kabilang sa tribo Ikalahan na naninirahan sa bahagi na mahahagip ng proyekto.

Ani Shahani, tutol si Scottish missionary Rev. Delbert Arthur Rice na namumuno sa Ikalahan tribe na isagawa ang proyekto dahil maaari aniyang mabulabog ang mga hayop at halaman sa lugar kapag sinimulan ang konstruksyon.

Ito ay sa kabila ng environment impact statement para sa proyekto na naglalahad na wala naman itong kapahamakang idudulot sa kalikasan at kapaligiran.

Kaya naman ginamit na lamang ng USAID ang pera para ayusin ang unang bahagi ng daan mula sa Rosales hanggang San Nicolas, ngunit hindi na ito nagamit pa para sa mga sumunod na bahagi.

Inaasahang mas mapapadali ng bagong daan ang biyahe ng mga residente lalo na sa mabundok na bahagi tulad ng Barangay Malico papunta sa bayan ng San Nicolas.

Magbubukas rin ito ng mas malaking oportunidad sa pangkabuhayan ng mga residente na may mga lumalaking taniman na ng mga gulay.

TAGS: villa verde trail, villa verde trail

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.