19 patay sa pananalasa ng Typhoon Damrey sa Vietnam

By Mariel Cruz November 05, 2017 - 07:48 AM

AP PHOTO

Hindi bababa sa labing siyam ang nasawi matapos manalasa ang Typhoon Damrey sa central at southern Vietnam, ilang araw bago ang Asia Pacific leader’s summit o APEC.

Bandang alas kwatro ng madaling araw nag-landfall ang Typhoon Damrey na taglay ang hangin na aabot sa 90 kilometers per hour.

Mahigit isanlibong bahay ang napinsala at daan-daang poste ng kuryente at mga puno ang pinabagsak ng Typhoon Damrey.

Ayon sa search and rescue committee, bukod sa mga nasawi, nasa labindalawa katao ang nawawala at mahigit tatlumpung libong residente ang inilikas.

Una nang inanunsiyo ng gobyerno na anim na barko ang tumaob sa South China Sea kung saan aabot sa animnapu’t isa katao ang nakasakay.

Bagaman nasa dalawampu’t lima ang nailigtas sa pagtaob ng mga barko, hindi naman na idinetalye ang kapalaran ang iba pang pasahero.

Nabatid naman na umiiral ang malakas na hangin sa Danang City, pero wala pang naiuulat na casualties.

Ang nasabing lungsod ang nakatakdang mag-host ng APEC Summit sa November 10 kung saan inaasahang dadalo si US Pres. Donald Trump, at maging sina Chinese Pres. Xi Jinping, at Russian Pres. Vladimir Putin.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.