Tulong ng USAID sa Pilipinas, hindi apektado ng isyu sa human rights ng bansa

By Kabie Aenlle October 30, 2017 - 03:33 AM

 

Tiniyak ni United States Ambassador to the Philippines Sung Kim na hindi maaapektuhan ng kanilang pagkabahala sa kalagayan ng human rights sa bansa, ang ibinibigay na tulong ng United States Agency for International Development (USAID).

Ayon pa kay Kim, walang kondisyon o kapalit ang ipinapaabot na ayuda ng USAID sa bansa, lalo’t may malalim na kasaysayan na ang pagtulong nila sa Pilipinas.

Gayunman, aminado si Kim na ang naalanganin sa isyung ito ay ang pagbibigay nila ng mga armas o baril sa Philippine National Police (PNP).

Sa ganitong klaseng ayuda kasi ay nagiging direkta ang kaugnayan ng US sa kampanya ng gobyerno laban sa iligal na droga.

Matatandaang isa sila sa mga pumupuna sa paraan ng pulisya sa pagsupil sa mga drug suspects.

Pero sinabi ni Sung Kim na kung nagiging maingat sila sa pagbibigay ng tulong sa PNP, patuloy naman ang pagbibigay nila ng ayuda sa Armed Forces of the Philippines (AFP).

Ito aniya ay sa mga paraan tulad ng pagbibigay ng mga kagamitan, pagsasanay at maging mga mahahalagang intelligence information.

Una nang inamin ng USAID na wala silang sapat na pondo para masuportahan ang rehabiltasyon ng mga nalulong sa iligal na droga, bagaman batid nilang isa itong mahalagang aspeto ng drug war ng pamahalaan.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.