WATCH: Kotse nasunog matapos sumalpok sa poste; 1 patay, 4 kritikal

By Jan Escosio October 23, 2017 - 11:54 AM

Kuha ni Jap Dayao

Bakas pa sa kanto ng Gil Puyat Avenue Extension at Atang Dela Rama St., sa PICC Complex ang sinapit ng limang sakay ng isang kotse na sumalpok sa pwesto at nagliyab.

Naiwan pa sa kalsada ang naputol na braso at mga nalapnos at duguang bahagi ng katawan ng tao.

Ayon kay Daniel Enriquez natutulog siya sa kabilang bahagi ng kalsada bago mag-alas 4:00 ng madaling araw nang magising siya ng tila malakas na pagsabog.

Nang sumilip siya sa kalsada ay nakita ang isang nagliliyab na kotse na sumalpok sa poste.

Hindi alintana ang kaniyang sariling kaligtasan dahil sa napipintong pagsabog ng kulay gray na Nissan Cefiro na may plakang MHD 889, hinugot isa-isa ni Enriquez ang apat na sakay ng kotse.

Kuwento pa ni Enriquez hindi na niya nagawang mailigtas ang isa sa mga sakay dahil naipit sa poste ang pintuan ng kotse.

Samantala, ayon kay SPO3 Frandy Laygo ng Pasay Police, inamin sa kanya ng driver na si Dropel Morales na nakaidlip siya habang nagmamaneho at nagising na lang sa pagsalpok nila sa poste.

Nakilala naman ang mga nakaligtas bukod kay Morales na sina Ron Ron Cainap, ang 13-anyos na si Jovanni Yvanez at Ricky Milan.

Samantala ang nasunog naman buhay ay si Junio Bulusan na Barangay Kagawad sa Sta. Cruz, Maynila matapos na hindi makalabas ng kotse.

 

 

TAGS: accident, Pasay City, Sofitel Hotel, accident, Pasay City, Sofitel Hotel

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.