Pagkalungkot umano ng CBCP sa pagkamatay ng Maute terror leaders, “Fake news”

By Kabie Aenlle October 18, 2017 - 02:46 AM

 

Mariing itinanggi ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang kumalat ang anila’y “fake news” sa social media na pinanghinayangan umano nila ang pagkamatay ng mga teroristang sina Isnilon Hapilon at Omar Maute.

Nilinaw ni CBCP President Lingayen Archbishop Socrates Villegas na walang inilabas na anumang pahayag ang kanilang organisasyon.

Aniya pa, sa katunayan ay pinupuri pa nila ang katapangan at kagitingan ng mga sundalo sa kanilang operasyon para masupil ang mga terorista.

Sa nasabi kasing post na umano’y nagkakalat ng fake news, nakasaad na kinukondena ng CBCP ang pagpatay ng mga sundalo kina Hapilon at Maute.

Iginiit din umano sa nasabing ulat ni Villegas na dapat ay sa katawan na lang pinatamaan ang dalawa para sana ay hindi namatay ang mga ito.

Ngunit giit ni Villegas, muli na naman silang naging biktima ng pagkalat ng fake news.

Samantala, tiniyak naman ni Villegas na handa silang makipagtulungan sa gobyerno para matulungan ang Marawi City na makabangon.

Ipagdarasal din aniya nila ang mga nasawi sa ilang buwang bakbakan at para na rin sa kapayapaan sa Mindanao.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.