2 construction worker, patay matapos madaganan ng malaking bato

By Kabie Aenlle October 12, 2017 - 01:30 AM

 

Patay ang dalawang construction workers matapos gumuho ang lupa sa loob ng isang school compound kung saan sila nagtatrabaho sa bayan ng Lavezares, Northern Samar.

Kinilala ang mga nasawing manggagawa na sina Jonnel Nabor at Elmer Abayon na parehong mula sa Barangay Kalabog, sa bayan naman ng Victoria.

Ayon kay PO1 Albert Enguerra ng Lavezares police station, nailibing nang buhay ang dalawa matapos silang madaganan ng malaking tipak ng bato habang sila ay naghuhukay sa loob ng Libas Elementary School.

Kabilang sina Nabor at Abayon sa 10 manggagawa ng CE Constructions and Supplies na nagtatayo ng isang gusali sa loob ng nasabing paaralan.

Nakatayo kasi ang paaralan sa paanan ng bundok, pero hindi naman umuulan nang mangyari ang insidente.

Agad na humingi ng saklolo mula sa mga bumbero ang kanilang mga katrabaho para masagip pa sila, ngunit narekober ang kanilang mga bangkay tatlong oras na matapos ang insidente.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.