ANTI-“FAKE NEWS” LAW !- MAS DELIKADO sa “WAG KANG PIKON” ni Jake Maderazo

Posted in: Column, Latest News

ANTI-“FAKE NEWS” LAW !- MAS DELIKADO sa “WAG KANG PIKON” ni Jake Maderazo

Ayon kay Senador Grace Poe, gagawa siya ng batas para taasan ang parusa sa “cyber-libel” o “fake news”, at sinumang opisyal ng gobyerno o kawani, halal man o appointed, bayad o hindi ay magiging “criminally liable” sa pagpopost ng “fake news” online lalo’t may malisya.

Sabi naman ni President Duterte, alinmang batas kontra “fake news” ay hindi niya aaprubahan dahil ito’y isang uri ng “censorship”. Ayon sa Pangulo, ang “freedom of expression” ay protektado ng Konstitusyon at ng maari lamang gawin ay taasan ang “penalties” sa libel o slander”. Sa palagay ko, magtutulak ng alon itong sina Sen. Poe at ang Pangulo kung isusulong nila ang “criminalization” ng “fake news”.

Sa mga demokrasyang bansa sa mundo , walang mabuong batas laban sa “fake news” dahil “dikit” ito sa karapatan nating magsalita kahit “hate speech” o derektang kasinungalingan ang sabihin natin. Wala ring sinumang tao, “official institution”, kahit “fact-checking” ng media, ang magpapatunay na “fake news” ang isang balita, lalong lalo na sa mga isyu ng “pulitika at “public debate”. Sa panukala ni Sen. Poe, gusto ba nilang gawing na “arbiters of truth” o taga-pasya ng katotohanan ang mga korte, huwes, prosecutors at pulis sa “fake news”?

Halimbawang may makasuhang blogger o journalist, unang gagawin ay i-ve-verify ang “impormasyon” kung saan galing at kung sino ang “source”. Pwede ba nilang pwersahin ito? Mukhang hindi yata pwede dahil saklaw ito ng “freedom of expression”. Kilala natin kung ang binabasa natin ay totoo o hindi totoo. “Word of mouth” pa lang noon, inimbento ang imprenta at mga libro, at ngayong social media, maraming “internet hoaxes”, “tall tales” sa UFO, “tsismis sa artista”, “political satires”, medisina at marami pang iba. Marami nang “fake news” kahit panahon nina Plato at Socrates, Athens Sparta at French Revolution. At ngayon sa internet, magsasawa ka sa mga kwentong hindi totoo pero patuloy na pinapanood, at pinapakinggan. Bakit nagiging “viral” ang mga “pekeng balita”? Unang una, kasalanan iyan ng mga “social media websites” tulad ng Facebook, Google, Youtube at Twitter na ang pinapatulan ay “virality” kaysa totoong mga balita. Dedma lang para dumami ang visits at readerships. Hindi ba dapat ay sinusuri at ni-rereject ang “fake news”? Ang “algorithms”? Mananagot ba sila sa palpak na “editorial decisions” sa nag-viral na mga “fake news”? Pati mga broadcasting at print organizations sa bansa ay ganoon din ang direksyon kahit mali. Basta “viral” ang “fake news” gagawin nilang parang totoong balita.

Sa Amerika, tinawag ni Pres. Donald Trump na “fake news” ang CNN, New York Times, NBC News, CBS, ABC, at Washington post dahil naka-anggulo laban sa kanya ang bawat istorya. Bakit hindi niya mademanda? Dito sa atin, hindi pa lantaran si Pres. Duterte sa pagbira sa ABS-CBN, GMA7, ABC5 at sa mga pahayagan sa negatibo ring mga anggulo laban sa kanya. Bakit kaya? Pailalim ba?

Sa kabuuan, masakit talaga sa mga pulitiko at media itong mga “fake news” lalot kung sila ang tinatamaan. Pero, ang pagpapatigil at pagparusa ay dapat pag-ingatan dahil matagal na tinangka panahon pa ng kopong-kopong, pero hindi kailanman nagtagumpay. At iisa ang dahilan, kahit nagsisinungaling na ang tao, hindi siya dapat alisan ng karapatang ihayag ang kanyang paniniwala. Bahala kang maniwala! (end –October 9, 2017)

Leave a comment