Marilou Danley, nakaalis na ng Pilipinas pabalik ng Las Vegas

By Dona Dominguez-Cargullo, Jan Escosio, Ricky Brozas October 04, 2017 - 11:34 AM

(UPDATE) Nakaalis na muli ng bansa si Marilou Danley, ang girlfriend ni Stephen Paddock na suspek sa mass shooting sa Las Vegas.

Kinumpirma ng Bureau of Immigration (BI) na umalis ng bansa si Danley kahaponpatungo sa Los Angeles, California.

Ayon kay BI spokesperson Ma. Antonette Mangrobang, sakay si Danley ng Philippine Airlines flight PR102 pabalik ng US.

Bagaman hindi tinukoy ang eksaktong oras ng pag-alis ng bansa ni Danley, alas 5:56 ng hapon umano nang ito ay ma-process ng immigration sa NAIA terminal 2.

At batay sa impormasyong nakuha ng BI, dumating si Danley sa Los Angeles Airport alas 10:00, Miyerkules ng umaga oras sa Pilipinas.

Una nang sinabi ng Las Vegas police na pababalikin nila sa US si Danley dahil marami silang nais na klaruhin dito bilang bahagi ng imbestigasyon sa mass shooting na ikinasawi ng halos 60 katao at ikinasugat ng mahigit 500 iba pa.

Base sa record ng BI, si Danley ay dumating sa bansa noong Sept. 15 sakay ng Japan Airlines at siya ay galing noon sa Japan.

Muli siyang umalis sa bansa noong Sept. 22 patungong Hong Kong at bumalik sa Pilipinas nito lamang Sept. 25.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

TAGS: bureau of immigration, Las Vegas, Marilou Danley, mass shooting, bureau of immigration, Las Vegas, Marilou Danley, mass shooting

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.