Pananaksak sa lamayan, sapul sa CCTV; krimen, pinanood lamang ng mga saksi

By Cyrille Cupino September 14, 2017 - 04:35 AM

Patay ang isang lalaki matapos pagsasaksakin sa lamayan sa Arellano St., Brgy. 777, Sta. Ana, Maynila.

Sapul pa sa CCTV ang mismong pagpatay sa biktimang si Teofilo Soriano, alyas ‘Pilo’, 57-anyos.

Sa nasabing video, makikitang biglang nagpulasan ang mga bisita sa lamay nang inundayan ng saksak ng suspect na si Elmer Salinas ang biktima.

Nagpambuno pa ang dalawa, ngunit makailang beses pang sinaksak ng suspect si ‘Pilo’ kahit pa sinasalag na nito ang patalim.

Hindi pa nakuntento ang suspect at binalikan pa ang gumagapang na biktima saka sinaksak ulit.

Kitang-kita rin na pinanood lamang ng taumbayan ang pananaksak sa biktima at wala man lamang nagtangkang tumulong o pumigil.

Tumagal ng halos tatlong minuto ang pananaksak ng suspect sa biktima.

Kwento ng asawa ng biktima na si Carol, limang minuto pa lamang nakakaalis ng kanilang bahay si ‘Pilo’, at nagulat na lamang siya nang tinawag siya at sinabing nasaksak na ang asawa.

Ayon kay Brgy. Chairman Amang Espiritu, dati na ring nakulong dahil sa kasong pagpatay si Salinas, pero nakalaya rin.

Nanawagan naman ang kapatid ng biktima na si Willie Tampuz sa suspect na sumuko na at pagbayaran ang ginawa nitong karumal-dumal na krimen.

Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya upang malaman ang motibo at mahuli ang nakatakas na suspect.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.