22 sakay ng DLTB bus na-stranded sa baha sa Quezon, ligtas na

By Dona Dominguez-Cargullo September 12, 2017 - 10:59 AM

Gamit lang ang lubid at mga improvised floating device, nagsagawa ng rescue operation ang mga tauhan ng Philippine Army sa mga pasahero ng DLTB bus na na-stranded sa lagpas tao na tubig baha sa Pitogo Quezon.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Lt. George Morana ng 85th Infantry Battalion ng Philippine Army na agad silang nagtungo sa lugar nang matanggap ang ulat na mayroong bus galing Bicol at pabalik ng Maynila ang na-stranded sa baha.

Kalahati na ng bus ang nakalubog sa baha nang dumating sila sa bahagi ng Gumaca-Pitogo Road national highway.

Sinabi ni Morana na hindi na nila hinintay na mayroong dumating amphibian boat para mag-rescue dahil ang mga pasahero ay nasa bubong na ng bus.

Gumamit na lang umano sila ng lubid at mga improvised floating materials at isa-isang kinuha ang mga sakay ng bus.

Katuwang din aniya nila ang mga residente at tauhan ng barangay sa lugar.

Sa pahayag ng driver ng DLTB bus na may plate number na UYB 365, nagulat na lamang umano siya sa napakabilis na pagtaas ng tubig baha.

 

TAGS: pitogo quezon, Radyo Inquirer, pitogo quezon, Radyo Inquirer

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.