Martial law, banta ni Duterte vs NPA

By Kabie Aenlle September 11, 2017 - 03:18 AM

 

Nagbanta si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga rebeldeng New People’s Army (NPA) na magdedeklara siya ng martial law sa buong bansa, kung paaabutin ng mga ito sa kalsada ang pakikipaglaban.

Babala ng pangulo, oras na magkamali ang mga rebelde na magsagawa ng rebelyon, hindi siya mag-aatubiling magdeklara ng martial law sa buong bansa at ipag-utos ang pagpapa-aresto sa lahat.

Ani Duterte, isinasapubliko ng mga rebelde ang kanilang mga pagpupulong at pagpo-protesta, pero hinahayaan lang niya ang mga ito.

Giit ng presidente, hindi naman niya layong takutin ang mga ito, pero sinasabi lang niya na handa siyang gamitin ang militar at ang mga pulis para ipaaresto ang lahat ng mga maka-kaliwa.

Wala namang problema sa pangulo kahit sakupin pa ng mga komunista ang mga kalsada sa lungsod basta’t hindi gagawa ng gulo ang mga ito tulad ng pagsusunog o bandalismo sa mga ari-arian.

Hindi aniya katanggap-tanggap sa kaniya ang paninira sa mga ari-arian kaya babala ni Duterte, baril ang kakaharapin ng mga ito kung gagawin ito ng mga magpo-protesta.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.