Mga panukalang reporma sa Customs, inihain sa Kamara

By Kabie Aenlle September 11, 2017 - 04:24 AM

 

Isang panukalang batas ang inihain sa Kamara na nagsusulong na bumuo ng online system payment sa Bureau of Customs (BOC) upang mawakasan na ang sinasabing “tara” system sa ahensya.

Ito’y matapos ang pagkakapuslit ng kargamentong naglalaman ng P6.4 bilyong halaga ng shabu sa kamay ng BOC.

Nakasaad sa panukalang inihain ni Quezon City Rep. Winnie Castelo na House Bill No. 6188 o BOC Online Payment Act, ang mga bayad para sa anumang transaksyon sa Customs ay dapat ideposito sa isang itatalagang state-run bank sa pamamagitan ng online facilities.

Ipinapanukala rin nito na patawan ng P500,000 na multa o isang taong pagkakakulong ang sinumang lalabag dito sakaling ito ay maisabatas.

Isinisisi kasi ni Castelo sa aniya’y “face-to-face” payment kung bakit nakakatanggap ng “padulas” ang mga kawani ng Customs para sa mga shipments.

Sa pamamagitan aniya ng online system, maiiwasan na ang harapang transaksyon kasabay na rin ng pagkakaiwas sa suhulan.

Samantala, inihain naman ni Buhay Rep. Lito Atienza ang House Bill 6220 na naglalayong amyendahan ang Customs Modernization and Tariff Act kung saan voluntary lamang ang clearance program.

Isinusulong nito na gawing mandatory na ang advance clearance and control program, sa halip na voluntary lamang.

Sa ganitong paraan aniya ay matitiyak na lahat ng mga cargo papuntang Pilipinas ay isasailalim sa advance inspection sa bansang pagmumulan nito, at babayaran ito ng shipper.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.