Pagkamatay ng mga kabataan sa drug war, maaaring pananabotahe ayon sa DOJ

By Rhommel Balasbas September 11, 2017 - 04:11 AM

 

Kuha ni Mark Makalalad

Bukas ang Department of Justice sa posibilidad ng pananabotahe sa giyera kontra droga ng pamahalaan.

Dahil dito, inatasan na ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre ang National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang sunud-sunod na pagkamatay ng tatlong lalaking menor de edad na sina Kian Loyd delos Santos, Carl Angelo Arnaiz at Reynaldo de Guzman alias “Kulot.”

Ayon sa kalihim, ang pagkamatay ng tatlong teen-ager ay maaaring paraan ng mga kaaway upang isabotahe ang war on drugs ng administrasyon.

Anya, nagiging isang “trend” na ang pagpatay sa mga teen-agers na hindi naman nangyari dati nang magsimula ang giyera kontra droga.

Sinuportahan ni Aguirre ang pahayag ng pangulo noong Biyernes na ang pagkamatay nina Delos Santos, Arnaiz at De Guzman ay tila paraan upang idiscredit ang PNP at ang pamahalaan sa drug war.

Inatasan na rin ni Pangulong Duterte ang Philippine National Police na imbestigahan ang sunud-sunod na pagpatay na hinala niya ang may kinalaman ay mga drug lords at narco-politicians.

Samantala, hinikayat naman ni Vice President Leni Robredo ang pulisya na huwag hayaan ang mga pulis scalawags na sirain ang reputasyon ng PNP.

 

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.