Relief operations sa Mexico, apektado ng aftershocks

By Rhommel Balasbas September 11, 2017 - 04:19 AM

 

Bagamat nagsimula na, pahirapan sa mga awtoridad ang pagsasagawa ng relief operations sa Mexico kasunod ng Magnitude 8.1 na lindol na kumitil sa buhay ng 61.

Nasira ang malaking bahagi ng bayan ng Juchitan kung saan 37 ang namatay, higit sa kalahati ng kabuuang bilang sa buong bansa.

Ayon sa mga eksperto at local officials patuloy pa ring nakararanas ang Juchitan ng aftershocks.

Mula Huwebes ay nakapagtala na ng 800 aftershocks kung saan 60 dito ay may lakas na magnitude 4.5 pataas kabilang ang magnitude 5.2 na lindol na yumanig umaga ng Linggo.

Dahil sa aftershocks, mas maraming imprastraktura ang nagcocollapse na nagbubunsod ng takot sa mga residente na ang ilan ay natutulog na lang sa labas.

Pahinto-hinto rin ang rescue workers sa relief operations tuwing nakararanas ng pagyanig at malaking abala rin ang pagkakabalandra ng ilang mga truck na naipit sa mga kalsada.

Maraming sundalo at pulis na may dala-dalang mga pala at martilyo ang kasalukuyan nang tumutulong upang idemolish ang mga nasirang bahay at buildings sa Juchitan.

Nangako naman si Mexican President Pena Nieto na patuloy na magbibigay ang pamahalaan ng tubig, pagkain at medical attention sa mga nangangailangan at tutulong sa muling pagtatayo ng mga bahay at imprastraktura.

 

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.