“TATTOO, TRILLANES , TRIAD SA CUSTOMS” sa “WAG KANG PIKON” ni Jake Maderazo

Posted in: Column, Latest News

“TATTOO, TRILLANES , TRIAD SA CUSTOMS” sa “WAG KANG PIKON” ni Jake Maderazo

Lumabo nang lumabo ang imbestigasyon ng Senado sa 604 kilos ng shabu na pumasok noong Mayo 26. Bukod sa harapang “Trililing”, Pulong at bayaw na nauwi sa tattoo at triad, nabulgar din sa Senate hearing na pinaghati-hati ang nahuling shabu. Ang 502 kilos ay nasa NBI, 100 kilos naman sa PDEA samantalang nawawala ang dalawang kilo(nakupitan?).

Ang mas mabigat, nagtuturuan din ang NBI at PDEA sa nahuling 890 kilos ng shabu sa San Juan noong December 2016, na dapat daw ay sira na lahat ngayon. Kaso, 400 kilos daw ang ibinigay ng NBI sa PDEA, pero ang sabi ni dating PDEA chief at bagong Customs Commissioner Isidro Lapeña, 300 kilo lang ang kanilang natanggap. Saan napunta yong 100 kilo?

Nakakabahala rin yung sinabi ni Senador Tito Sotto na bukod sa huling shabu noong Mayo, nawawala rin ang higit isang toneladang “white powder” na kasama rito. Nakakalito na ang mga deklarasyon ng NBI, PDEA at Customs at lumilitaw ang kwestyon kung ito’y aksidente lang o sinasadya?

Ayon sa RA 9165, kailangang i-entrega ang lahat ng drogang kinumpiska ng PNP, NBI sa poder ng PDEA sa loob ng 24 oras matapos mahuli. Pagkatapos ng apat na araw, dapat sirain ng PDEA at sampahan ng kasong kriminal ang mga suspect.

Bakit hindi ibinigay ng NBI ang lahat ng nakumpiskang 604 kilos at nagtira ng 502 kilos sa kanila? Ayaw ba nilang sirain ito ng PDEA? Bakit Agosto lang nagsampa ng kaso?

Doon sa 890 kilos sa San Juan, bakit magkaiba ang sinasabi ng NBI at PDEA? Bakit short ng 100 kilos? Bakit hindi pa winawasak ng PDEA at ng NBI ang mga droga katulad ng sinasabi ng RA9165?

Sa totoo lang , maliwanag na may mga taga riyan sa NBI, Customs o PDEA na nag-mamaniobra kung bakit pinipilit na hindi maentrega o mawasak ang naturang shabu. Tama kayo, para ma-recycle, maibenta muli sa kalye o palabas muli ng bansa?

Kung ganyan katindi ang mga nagmamaniobrang ito, hindi na ako nagtataka kung bakit sadyang “ginulo” rin ang huli na 604 kilos ng shabu ng Customs, at NBI at ilang oras ang nakalipas saka lang tinawagan ang PDEA. Isipin niyo magulo ang “huli”, magulo rin ang “pagdeposito” ng shabu, bukod pa sa matagal ding pagsasampa ng kaso nitong Agosto. Parang laglag kaso ang dating.

Hindi ako nagtataka kung bakit matagal nang nililihis ang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee. At si dating Customs chief Nicanor Faeldon na nagpahayag na hindi na siya magsasalita sa alinmang hearing sa Senado kahit na siya ay ikulong pa. Kaya’t lalong lumabo.

Hanggang ngayon, di pa natin alam kung sino ang smuggler ng shabu, o kung sinunog na ang shabu, kinupitan, binalik na uli sa lansangan o para sa Drug transshipment.

Nakakalungkot na NBI, CUSTOMS at PDEA, mga ahensya ng gobyerno na nasa unahan ng Drugs war, pero ngayo’y nagtuturuan, nagkukupitan, puro palpak ang mga operations sa hindi malamang dahilan.

Hindi kaya, kargado at nasilaw na rin sa “putting ginto” at mga shabu smugglers na ito? Pati imbestigasyon ng Senador ay nililihis din? Kami po’y nagtatanong lang.

Leave a comment