Uber, hindi obligadong magbayad ng P190M na multa ayon sa LTFRB

By Mariel Cruz August 27, 2017 - 11:56 AM

Nilinaw ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na hindi nila inoobliga ang Uber Philippines na magbayad ng multa para alisin na ang ipinataw na isang buwang suspensyon.

Sa isang panayam, sinabi ni LTFRB spokesperson Aileen Lizada na ang pinababayaran nilang 190 milyong piso na multa ay isa sa opsyon ng Uber para maibalik na agad ang kanilang operasyon.

Maaari aniyang hindi bayaran ng Uber ang naturang multa pero ang mangyayari ay kailangan na lamang hintayin ang pagtatapos ng isang buwan na suspensyon na ipinataw ng LTFRB.

Ani Lizada, kung gugustuhin naman ng Uber na bawiin na agad ang suspensyon para makapasada na muli ang kanilang mga driver/partner, ay kailangan lang nilang bayaran ang 190 milyong pisong multa.

Binanggit din ni Lizada na mayroon silang nakuhang impormasyon na handang magbayad ang Uber ng kanilang multa sa susunod na linggo.

Samantala, muli naman iginiit ni Lizada na ang hinihingi nilang multa sa transport network vehicle service ay ibinatay sa kanilang kinikita kada araw.

Pinatawan ng isang buwang suspensyon ang Uber dahil sa pagsuway sa kautusan ng LTFRB na huwag nang tumanggap ng mga bagong aplikante.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.