5 MILF patay sa pakikipagbakbakan sa BIFF

By Kabie Aenlle August 19, 2017 - 02:20 AM

Patay ang limang miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), habang limang iba pa naman ang nasugatan kabilang na ang isang sibilyan, matapos silang makipagbakbakan sa mga tauhan ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).

Ayon kay Maguindanao police provincial director Senior Supt. Agustin Tello, naganap ang bakbakan sa Datu Salibo, Maguindanao dakong alas-5:00 ng umaga ng Biyernes.

Nadiskubre kasi ng MILF Task Force Ittihad ang mga miyembro ng BIFF na nagtatanim ng improvised explosive device sa Sitio Digadeng, Barangay Tee.

Kinilala ang mga nasawing miyembro ng MILF na sina Mahmod Laguiab, Darigs Kendag, Kuzak Ali, Anwar Maulana, at Kalidin Ulama.

Samantala, nasugatan rin ang mga miyembro ng task force Ittihad na sina Batinti Sabidra, Kunyang Guiama, Nasir Talib at Jery Buka, pati na ang isang hindi na pinangalanang sibilyan.

Nagsimula ang tensyon sa pagitan ng 108th base command ng MILF at ng BIFF dalawang linggo na ang nakalilipas, nang magpasabog ng isang IED ang Islamic State-inspired group na ikinasugat ng 10 miyembro ng MILF sa Barangay Tee.

Gumanti ang MILF sa BIFF, at nagpapatuloy pa rin ang kanilang sagupaan.

Mula nang mag-umpisa ang bakbakan, 10 miyembro na ng MILF ang nasawi habang 20 naman sa panig ng BIFF.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.