US at NoKor, pinakakalma ng China

By Kabie Aenlle August 17, 2017 - 04:28 AM

Hinimok ng China ang United States at ang North Korea na pumreno na sa palitan ng mga banta at pag-usapan na ang mapayapang pag-resolba sa tensyon sa pagitan ng dalawang bansa.

Magugunitang nagsimula ang tensyon sa pagitan ng dalawa sa hindi pagpapaawat ng North Korea sa mga nuclear missile missions nito, na nauwi sa pagbabanta ng Pyongyang na maglulunsad sila ng missile sa Guam.

Dahil sa pagkabahala, tumawag na ang isang conservative political party sa South Korea sa Estados Unidos para ibalik na ng bansa ang mga tactical nuclear weapons nito sa Korean Peninsula.

Bilang nag-iisang kaalyadong bansa ng Pyongyang, nabahala na rin ang China kaya tumawag na si Chinese Foreign Minister Wang Yi kay Russian Foreign Minister Sergey Lavrov.

Napag-usapan nina Wang at Lavrov na dapat nang mag-usap ang NoKor at US para sa ikareresolba ng tensyon, at para huwag nang palalain ng sinuman sa kanila ang sitwsyon.

Ayon kay Wang, ang pangunahing tungkulin nila ay para maawat na ang pagbabanta ng US at NoKor sa isa’t isa.

Naniniwala naman si Lavrov na posibleng umigting na naman ang tensyon sa pagitan ng dalawa dahil sa ilulunsad na malawakang military exercises ng US at South Korea.

Giit pa niya, hindi magiging katanggap-tanggap kung gagamitan ng pwersa ng militar ang pagresolba sa nuclear issue ng North Korea.

Dapat aniyang maisakatuparan ito sa mapayapang paraan at sa pamamagitan ng political at diplomatic methods.

Nais naman ng US na mapayapang pahupain ang tensyon sa North Korea, pero handa rin itong gamitin ang “full range” ng kanilang military capabilities ayon kay US Joint Chiefs of Staff chairman Marine Corps Gen. Joseph Dunford.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.