Maria Sharapova, hindi na rin makakasabak sa Cincinnati tournament dahil sa arm injury

By Mariel Cruz August 13, 2017 - 10:25 AM SHARE(S):

Umatras na ang five-time Grand Slam champion na si Maria Sharapova sa Women’s Tennis Association tournament na gaganapin sa Cincinnati sa susunod na linggo.

Ito ay bunsod ng kanyang injury sa kaliwang braso na hanggang ngayon ay hindi pa rin bumubuti.

Una nang inatrasan ni Sharapova ang WTA event sa Toronto noong nakaraang linggo dahil pa rin sa kanyang injury.

Natamo ng dating world number 1 na mula sa Russia ang kanyang arm injury sa second-round match sa Stanford.

Ayon kay Sharapova, dumating siya sa Cincinnati noong nakaraang Biyernes para maglaro sa nasabing torneyo pero matapos ang kanyang consultation sa event medical staff ay inabisuhan siya ng doctor na hindi pa siya maaaring sumabak sa kumpetisyon.

Pinasalamatan naman ni Sharapova ang mga WTA dahil sa wildcard opportunity na ibinigay sa kanya, at umaasa siya na sa susunod na taon ay makapaglalaro na siya.

Nakatakda sanang harapin ni Sharapova sa opening round si French Open champion Jelena Ostapenko.

At dahil sa kanyang arm injury, pinangangambahan na hindi rin makasabak si Sharapova sa US Open na magsisimula sa August 28 sa New York.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.