“AWAY MAG-ASAWA AT COMELEC” sa “WAG KANG PIKON” ni Jake Maderazo

Posted in: Column, Latest News

“AWAY MAG-ASAWA AT COMELEC” sa “WAG KANG PIKON” ni Jake Maderazo

INQUIRER FILE PHOTO

Noong Lunes, usapan ang batikusan nina Comelec chairman Andy Bautista at socialite wife Patricia Bautista. Gamit ang mga nakuhang dokumento sa bahay, ibinulgar ni Patricia ang “unexplained wealth” na mahigit P1B ng kanyang asawa na taliwas sa P175M yaman nito sa SALN. Ayon kay Patricia, “nakuha’ niya ang mga bankbooks, tseke, titulo ng lupa at iba pang dokumento na nakakalat sa kanilang “condominium”.

Diumano, sampung buwan nang nagnenegosasyon si Patricia at asawa kung magkano ang makukuha nitong pera sa kanilang paghihiwalay. Noon pang 2013, bagamat nasa isang bubong kasama ang mga anak, hindi na nagsasama ang asawa dahil sabi ni Chairman, nakakuha ng “soulmate” na iba ang kanyang misis.

Ayon kay Chairman Bautista, P90M o kalahati ng kanyang dineklara sa SALN ang handa niyang ibigay sa misis, pero ang hinihingi naman nito noon ay P250M.

Noong Oktubre 2016, noong nasa Amerika si Chairman Andy, binuksan daw ang kanyang “locked cabinet” at nawala ang marami niyang personal na dokumento.

At mula noon, nagsimula ang mas mainit na tawaran. Ngayon, sinasabi ni Chairman, P620M na ang hinihingi ng kanyang asawa at mga abugado, kasabay ng pagbabanta na isusumbong siya nito kay Pres. Duterte at sasampahan ng impeachment kung hindi papayag.

Sa Malakanyang, pinag-aayos din sila ni Pres. Duterte pero walang nangyari dahil lumabas na sa media itong si Patricia nitong nakaraang Linggo.

Isinumite nina Patricia ang mga dokumento sa NBI na nagsimula na ring imbestigahan ang mga akusasyon. Pati PCGG ay nagsisiyasat na rin kung may katiwalian si Andy. Kahit ang Comelec ay nagkakaroon na rin ng imbestigasyon sa mga alegasyon.

Sa Kongreso, nagsampa ng “impeachment complaint” si Oliver Lozano samantalang si ex-Rep. Jacinto Paras ay magsasampa rin daw ng impeachment sa House of Representatives ngayong Linggo.

Sinampahan naman ni Chairman Bautista ang kanyang misis ng mga kasong “grave coercion, qualified theft, robbery” at “extortion” dahil sa umano’y pagsira sa kanyang “locked cabinet”.

Kinasuhan din niya ng paglabag sa Anti-Cybercrime law si Misis, Atty Lorna Kapunan at iba pang John Does dahil binuksan at ginamit nito ang kanyang “private emails” sa kanyang IPAD.

Nasa bansa na ang kapatid, si Dr. Martin Bautista na nagsabing si Andy Bautista ang “treasurer” ng kanilang pamilya kaya’t nakalagay ang “and/or” sa lahat ng kanilang “accounts’ sa Luzon Development bank na nagkakahalaga ng P389M. Ipapaliwanag daw nila isa isa at detalyado ang nasabing pera at hindi totoo na “unexplained wealth” ito.

Sa ngayon, may mga “pressure” na dapat mag–resign o mag-leave of absence itong si Comelec Chairman Andy Bautista. Isang bagay na diumano’y “open” siyang gawin. Bilang constitutional officer, maari lamang siyang matanggal sa pamamagitan ng resignation o impeachment.

Kaya’t, dito pumapasok ang anggulong pulitika ng away mag-asawa. Kasama ba sa plano ni Patricia at mga nakapaligid sa kanya na tanggalin sa Comelec ang kanyang mister? Nagpaalam ba si Patricia kay Pres. Duterte na isusulong nila ang pagalis nito sa Comelec?

Kung ako ang tatanungin, mas mabuti pa magkaroon ng “full blown impeachment trial”nang magkaalaman na kung ano ang totoo at hindi totoo. Kung walang tinatago si Chairman Bautista, dapat ay harapin niya ito. Malalaman natin ngayon kung sino ang nagsisinungaling dito, si Chairman o si Misis.

Leave a comment