Tatlong drug suspects, patay sa buy-bust operation sa Tondo, Maynila

By Cyrille Cupino August 12, 2017 - 05:22 AM

FILE PHOTO

Tatlo ang patay matapos manlaban sa mga pulis sa ikinasang drug buy-bust operation sa kanto ng Estero De Magdalena at Narcisa St., Brgy. 250, Zone 23, Tondo, Maynila.

Kinilala ang mga napatay na suspect na sina Jonathan Sumagka Jr. alyas “Carlo”, 23-anyos, Francisco Pacheco, alyas “Kiko”, 38 anyos, at Lauro Soriano, alyas “Dong”, 55 anyos.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Manila Police District, lumalabas na nagpanggap na poseur-buyer ang isang operatiba upang bumili ng 500 pisong halaga ng shabu mula sa target na si alyas ‘Carlo’.

Nagka-abutan na ng pera at droga, pero nahalata ng suspect na pulis ang ka-transaksyon dahilan para sumigaw ito at humingi ng tulong mula sa kanyang mga kasamahan.

Dito na nagpaputok ng baril ang dalawa pang suspect kaya napilitang gumanti ang mga pulis.

Dinala pa sa Gat. Andres Bonifacio Memorial Medical Center ang mga suspect, pero binawian rin ng buhay matapos magtamo ng mga tama ng bala sa katawan.

Nakuha sa crime scene ang tatlong calibre .38 na revolver, 11 basyo ng bala, dalawang sachet ng hinihinalang shabu, at ang 500 pisong buy-bust money.

Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng Manila Police District sa nasabing insidente.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.